Copyright 2004
bulatlat@gmail.com
Mga tula ng isang migrante mula sa Saudi ArabiaNi Noel Malicdem
Posted by Bulatlat
Vol. V, No. 35 October 9 - 15, 2005 Quezon City, Philippines
OFW* sa gitna ng disyerto
Bayani kung ituring kami ng gobyerno
Wala naman magawa kapag kami’y inaabuso
Baka masira daw relasyon sa bansang kinalalagyan ko
Magtiis na lang hanggang matapos kontrata ko.
Mayroon nga tayong konsulado
Mga nakatalaga naman dito mga abusado
Walang pakialam kung ano kalagayan mo
Baka mas malala pa kapag napadpad ka rito.
Isa lang akong saksi buhay dito sa disyerto
Na kung tawagin lupa ng pera piraso
Dahil kung hindi huli limang buwang walang sweldo
Walang pakialam magutom man ang pamilya mo.
Tama na sa akin ang tawaging OFW
Na umalis ng bayan para sa kinabukasan ng pamilya ko
Ang kaligayahan pansamantalang kinalimutan ko
Mapunta sa bansang lungkot ang karamay mo.
Di ko pinagsisihan ang pagpunta rito
Bahagi lang ito ng pakikibaka sa buhay ko
Hindi ang maging saksi sa mga mapagsamantalang politiko
Na lalo lang nagpapahirap pagnakaupo na sa puwesto.
Ang hiling lang namin tunay na pagbabago
Mabigyan pansin mga karaingan naming OFW
Dahil bahagi rin kami ng pag-unlad kahit kami’y malayo
Isigaw sa buong mundo, mabuhay and Pilipino!
* OFW – overseas Filipino worker
Nang si Juan, nangibang bayan
Nang si Juan nangibang bayan
Dala ang pangarap umahon sa kahirapan
Sa bansang iniwan wala nang kalutasan
Buhay na kinagisnan wala pa ring kaunlaran
Dumating si Juan sa ibang bayan
Sa akalang makakamtam ang kaginhawaan
Bagkus naging malubha pa ang naging kalagayan
Sa gitnang silangang hirap pala ang mararanasan
Ngunit di nawalan ng pag-asa si Juan
Kesa bumalik sa bayang walang maaasahan
Wala nang ginawa kundi ang mag-iringan
Masa ang ginagamit sa pansariling kapakanan
Kelan ka titigil Juan na mangibang bayan
Manatili na lang sa bayang sinilangan
Kapiling ang pamilya tumulong sa kaunlaran
Ibalik ang Pilipinas perlas ng silangan
Wala ng hihigit pa sa sakripisyo ni Juan
Padalang dolyar para umahon ekonomiya ng bayan
Di alintana mga pulitikong sakim sa kaban ng pamahalaan
Panlinlang sa masa sa susunod na halalan
Gising na kabayang Juan
Sa maling akala sa iyong kalagayan
Bumangon ka na baka ikaw ay maiwan
Sa panibagong bukas kapit bisig tayong makipagsapalaran
Isa lang ako sa mga Pilipinong Juan
Na nangarap mangibang bayan
Hindi dahil ang bayan ko’y iiwan
Kundi ang ipagmalaki lahing pilipino kahit saan maasahan!
Sa wari ko , bilang OFW
Isa lamang akong saksi sa mga nangyayari
Hirap at pasakit, puno ng pagsisisi
Walang magawa kundi ang manatili
Para sa pamilyang iniwan buhay ay mapabuti.
Ang paglisan sa bayan, kahirapan ang dahilan
Pamahalaang di magampanan mga pangako sa bayan
Mga politikong ang hangad lamang ay kaban ng yaman
Gamit ang masa para sa sariling kapakanan.
Sa bansang pinili, marami akong nasaksihan
Buhay at pakikibaka ng aking mga kabayan
Mayroong mapalad, ang iba’y sadlak sa kahirapan
Karamiha’y inaabuso at walang sweldo ng ilang buwan.
Marahil ay walang pinag-iba sa bansang kinalalagyan
Ang maging sunod-sunuran dahil ako’y isa lamang dayuhan
Sumunod sa sistemang huwad na kapayapaan
Mga mamamayang hangad din ay kalayaan.
Sa wari ko, tama lang ang naging desisyon ko
Dahil parehas lang naman ang lipunang kinalalagyan ko
Trabaho lang at konting sakripisyo
Limot na bayani, tunay na Pilipino!
=======
Noel Malicdem is a migrant worker who, in an email message to Bulatlat, said that he is not much of a poet but was prompted to write in Filipino about his ordeal.
Posted by Bulatlat
© 2005 Bulatlat ■ Alipato Publications
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.