Thursday, October 11, 2007

Ako, ikaw, tayo … OFW*

Kay sarap pakinggan ang ika’y mangibang bayan
Puno ng pag-asa umahon sa kahirapan
Bulag sa katotohanan ano man ang kahihinatnan
Hirap na mararanasan sa bansang patutunguhan.

Ang lumisan sa bayan ay di ko kagustuhan
Ngunit ang maging saksi sa maraming kahirapan
Isa lamang itong paraan pagmamahal sa bayan
Tumulong sa bansa para sa kaunlaran.

Hindi biro ang malayo sa ating bayan
Dala ang lungkot huwad na kalayaan
Pilit na pagsasaya problema’y makalimutan
Konting tiyaga sa maayos na kinabukasan.

Sana minsan karaingan namin ay pagbigyan
Mabigyan ng kaukulang pansin ng pamahalaan
Sa mga kabayang saan man ang patutunguhan
Ano man ang kapalaran ay di kami pababayaan.

Ang hiling ko lang pagbalik sa ating bayan
Makita ang kaunlaran tunay na kalayaan
Limutin ang politika maayos ang hidwaan
Mamuhay ng tahimik at di na mangibang bayan.

Ang paalala ko rin sa mga nagingibang bayan
Kahit saan man sulok ng mundo naninirahan
Sana tayo ay magkaisa at magmahalan
Malayo sa tukso, inngitan ay iwasan.

Isa lamang itong pagmumulat sa aking mga kababayan
Di ka nag-iisa kahit nasaan ka man
Karama’y mo sa ginhawa’t kahirapan
Lahing Pilipino, tunay kang maaasahan


*Overseas Filipino Workers

No comments: