Dubai...
titik at likha ni ka noel malicdem
Sa'n bang punta kabayan at ika'y nakaporma
Di naman siguro sa tsik mong maganda
Baka naman sa airport dala ang visit visa
Papuntang Dubai baka sakaling trabaho ay makakita.
Di naman masama ang mangibang bansa
Mangarap mabigyan kaginhawaan ang pamilya
Kesa ang manatili gutom naman ang sikmura
Bayang walang nang pag-asa dahil puro politika.
Pagdating sa Dubai ay iyong nakita
Tunay na buhay malayo sa bansa
Ang maghanap ng trabaho bago ma-expire ang visit visa
Nababahala dahil baka kapusin dalang pera.
Mamuhay sa Dubai ay di biro
Maraming naloloko dahil di naman legal ang pagparito
Sa pagkain at upa ng bahay ubos na ang sweldo
Malas mo pa kapag iyong amo ay di ka pa pinasweldo.
Ang payo ko lang bago ikaw ay pumarito
Huwag maniwala sa sinasabi ng mga galing na dito
Dahil ang kapalaran di naman pare-pareho
Baka ang kitain halos pambayad lang ng utang mo.
Sana nga kabayan pagpunta mo rito
Panalangin ko'y makahanap ka agad ng trabaho
Upang ikaw ay di mapahamak sa hirap ng buhay dito
Huwag lang mahiya magtanong sa kabayan mo.
Buhay sa Dubai may kasamang sakripisyo
Konting tiis lang makakaraos sa pagsisikap mo
Dalang pangarap maaabot mo ito
Sa tamang panahon may pagbabago buhay mo.
Isang araw sa buhay Dubai …
titik at likha ni ka noel malicdem
Tumunog na naman ang cellphone ko
Hudyat na naman ng pagpasok sa trabaho
Dagliang buhos para lang masabing nakaligo
Di na makapag-almusal kaya sandwich na lang baon ko.
Pagbihis na halos isang minuto
Para habulin ang bus sa kabilang kanto
Dahil pagnahuli antay ulit ng tatlumpong minuto
Baka masira lang araw ko pagdating sa trabaho.
Pagdating sa sakayan panibagong pakikitungo
Ibat-ibang lahi ang makakasalamuha mo rito
Sari-saring amoy pa ang malalanghap mo
Pasensya na lang pareho lang kaming pasahero
Ang buhay sa Dubai kakaiba sa bansang iniwan ko
Makatipid lang sa sweldo kahit siksikan sa kuwarto
Masikip man ay kailangan sakripisyo
Maranasan ang buhay malayo sa pamilya ko.
Tama lang sa akin ang buhay na ganito
Makipagsapalaran sa kinabukasan ng mga anak ko
Limutin and lungkot Diyos lang ang karamay ko
Dahil kung may hirap ginhawa ay mapapasaiyo.
Ang sermon…sa pananaw ng isang OFW sa Dubai
Likha at titik ni ka noel malicdem, arkitekto
Ang aking karanasan sa tuwing ako'y nagsisimba
Lalo na't si Fr. Zaki ang nangunguna sa misa
Tiyak na kagigiliwan mga sermon na may patutsada.
"Batu-bato sa langit ang tamaan huwag magalit"
Mga katagang bago magsermon ay binabanggit
Paraan lang imulat at magmalasakit
Sa mga kabayang lito ang pag-iisip.
Huwag sanang masamain ang kanyang napupuna
Ang magdamit ng maayos sa tuwing magsisimba
Ang magkuwentuhan habang kasalukuyan ang misa
Upang maiwasan makaistorbo rin sa iba.
Ang mga kuwento sa sermon ay hango sa mga nakikita
Mga pangyayaring sa araw-araw ay nasasaksihan niya
Sa mga kababayang landas ay kumaliwa
Ibangon muli at mabuhay ng mapayapa.
Sa kabila ng pagkakalayo sa ating bansa
May isang pari hangad lang ay mapasaya
Sa mga kabayang naghahanap ng magandang balita
Lunas sa pagkakalayo sa mahal na pamilya.
Buhay sa Dubai di lahat may ginhawa
Halos pambayad lang ng bahay ang iyong kinikita
Di makabalik ng bansa kaya sa Kish na nakatira
Baon sa utang dahil lang sa visit visa.
Di naman masama ang mangarap mangibang bansa
Hangad konting karangyaan para sa pamilya
Huwag sanang padadala sa sabi-sabi ng iba
Magsimba na lang tayo at malayo pa sa pagkakasala.
Bahagi na ng sermon paraan ng pagpapasaya
Makalimot sa problema, lumakas ang pananampalataya
Maliwanagan ang isip sa maling akala
Maging kahanga-hanga sa paningin ng iba.
Ang panalangin ko lang tayo ay magkaisa
Maging karamay sa bawat pagsubok ng iba
Isang bayani at bahagi ng pagbabago ng bansa
Tunay na pananampalataya, buhay ay magiging mapayapa.
Noel Malicdem is an Architect from Baguio City (formerly from Pangasinan). He is currently working with Shankland Cox Dubai as an Architect. He is married with two children. He loves country music and collects hard-to-find country music stuff such as cds, tapes and magazines.His love for poetry started when he started working in middle east. He has been there for 5yrs in a row and poetry is his way of expressing what it is like to be an OFW.
No comments:
Post a Comment