Thursday, November 1, 2007

Global Nation / Mailbag

Isang panawagan sa darating na halalanBy Noel MalicdemINQUIRER.net
Last updated 02:23pm (Mla time) 01/26/2007
Malayo man ako sa ating bayan
Gusto kong ibahagi ang nararamdaman
Pagmamalasakit sa patuloy na kahirapan
Umaasang may pagbabago sa darating na halalan.

Malapit na naman ang pambansang halalan
At halos wala pa ring pagbabago sa ating bayan
Walang katuparan mga pangako sa mamamayan
Kung sinong nakapuwesto sila lang ang nakikinabang.

Walang pinagbago ang mga politiko sa ating bayan
Trapo pa rin at walang pakinabang
Sa maling sistema at huwad na katauhan
Kaya ang bayan patuloy ang kahirapan.

Gamit ang masa sa panlilinlang
Magmumukhang santo, nandamay pa ng simbahan
Takutin ang mamamayan sa pamamagitan ng karahasan
Mas masahol pa kapag nanalo sa halalan.

Paulit-ulit na lang ang ganitong kaganapan
Sa tuwing sasapit ang pambansang halalan
Hahamakin ang lahat sa maling paraan
Upang manatili sa gawaing puno ng katiwalian.

Nakakasawa na ang mga politikong namamahala
Kung hindi kapamilya, mga laos na artista
Paikot-ikot lang at walang plataporma
Inabutan na ng halalan wala pa ring nagawa.

Batu-bato sa langit
Ang tamaan huwag magalit
Sa mga politikong hatid lang ay pasakit
Sa bansang wala nang narinig kundi panlalait

Sana suriing mabuti ang mga kandidato
Kung siya ba'y karapat-dapat na mamumuno
Tapat sa pangako at handang magsakripisyo
Para sa kapayapaan at tunay na pagbabago.

Paalala lang sa darating na halalan
Maging matino sa araw ng botohan
Iboto ang kandidatong tapat manungkulan
May takot sa Diyos at pagmamahal sa bayan.

Si G. Malicdem ay isang arkitektong nagtatrabaho sa Dubai, United Arab Emirates.

No comments: