Nagkaisa ang bayan, sigaw ay kalayaan
Patalsikin ang diktaduryang nagpahirap sa bayan
Napunta lang sa mas matinding hidwaan
Demokrasyang ipinaglaban, walang kinahinatnan.
Ilang dekada ang lumipas ang aking nagisnan
Tila wala pang bakas na patutunguhan
Ang kalayaan nakamit at ipinaglaban
Hanggang ngayon wala pa rin patutunguhan.
Naging saksi na ako sa mga lumaban
Upang iparating hinaing ng mamamayan
Ngunit naging biktima lang ng karahasan
Upang matahimik mabulgar ang katiwalian.
Sadya nga bang bulag ang sambayanan
Ang mamuhay sa huwad na kalayaan
Malinlang sa tunay na kaganapan
Walang pinag-iba hanggang sa kasalukuyan.
Ayaw ko rin isisi lahat sa pamahalaan
Gusto ko lang imulat sa katotohanan
Ang bulag na sambayanan
Na naging biktima ng mas malalang kahirapan.
Hangga’t walang pagkakaisa ang mamamayan
At manatiling bulag sa kamalian
At pagamit sa politikong walang pakialam
Mananatiling gutom sikmura ng karamihan.
Sa wari ko hindi lunas pag-aaklas sa daan
Upang patalsikin kasalukuyang pamahalaan
Tama na ang marahas na pakikipaglaban
Tapat na pakikibaka sa tahimik na pamamaraan.
Ang aking tula ay isa lamang paraan
Upang ipadama pag-ibig sa bayan
Huwag sanang masamain kung ito’y may katotohanan
Saksi lang ako kahit malayo sa ating bayan
No comments:
Post a Comment