Kuwentong 70’s bistro
Likha at titik ni Noel Malicdem,Arkitekto
Dubai, UAE
Kay sarap muling pakinggan
Mga musikang kinagisnan
Sa bandang Anonas matatagpuan
Sa 70’s bistro lamang matutunghayan
Nagsimula noong dekada ’90
Magbigay sigla sa larangan ng musika
Masaksihang magtanghal mga makabagong banda
At mapagbuklod muli mga musikero ng dekada ‘70
Ano mang klase at tugtog ang musika
Bago man o luma basta may kiliti sa masa
Musikang Pilipino sa mga titik at pagkalikha
At sariwaing muli mga musika ng nagdaang dekada
Isang lugar na may kalayaan
Karaniwang tao dito ang tambayan
Madama ang tunay na kapayapaan
Musikang gamot sa magulong lipunan
Bahagi ang bistro sa ating kasaysayan
Saksi sa pagbabago at kaganapan sa ating bayan
Musika ang paraan maiparating ang katotohanan
Maiwasan ang maling pakikibaka sa maling paraan
Dito rin halos ang madalas na tagpuan
Mga taong may hinanakit at hinaing sa bayan
Nagkakaisa sa mapayapang usapan
Musika ang tinig para ipadama ang karaingan.
Naging bahagi upang imulat ang kabataan
Tangkilikin ang musikang pinoy ang pinagmulan
At naganap ang konsiyerto ng bayan
Bistro sa Amoranto hanggang pamorningan
Nagbigay bahagi ng hustisya sa musikerong pinaslang
Sa Quezon Circle nagtipon ang karaniwang mamamayan
Para sa sa isang konsiyerto makamit ang katarungan
Nilahukan ng mga musikero ng buong gabing kantahan
Sa kabila ng maraming pagbabago
Sa musika, politika, at buong mundo
Sa himig ng musika nanatili ang bistro
Musikang hanap ng mga karaniwang tao
Mahigit isang dekada na ang nakaraan
Nanatili ang bistro sa mga pagsubok na dumaan
Di nakalimot sa simpleng pinanggalingan
Kasama ang mga musikerong bahagi ng kasaysayan
Isa lang ako sa mga kabahagi at nakasaksi
Kahit sa tula man lang aking maibahagi
Alaala ng 70’s bistro na sadyang nakakawili.
Malayo man sa bansa sa aking puso’y mananatili
--noel malicdem
No comments:
Post a Comment