Ang tunay na pakikibaka
Likha at titik ni Ka Noel Malicdem
Lumipas na naman ang isang gabi
Sa bukang liwayway kailangan nang lumakbay
Upang makibaka muli sa kanayunan
Maibahagi tunay na kapayapaan.
Di ko naman masasabi na ito’y himagsikan
O isang digmaan sa pamahalaan
Itinutuwid lang ang isang kamalian
At mamulat sa tunay na kalagayan.
Bakit daw walang kapayapaan
Sa lugar na aking sinilangan
Lumaki na ako wala pa ring katahimikan
Namulat na kami ito ang aming kapalaran.
Sa bawat pook na aking madadatnan
Dama ko ang hirap ng kanilang kalagayan
Ang tumulong para sa kanilang kaunlaran
Hindi ang umasa sa malayong pamahalaan.
Ang pagparito’y di naman pakikidigma
Kundi ang ibahagi na ma’y nagmamahal sa kanila
Hindi armas para takutin sila
Ipakita na may nagmamalasakit sa kalagayan nila.
Huwag sana masamain aking pakikibaka
Dahil ang hangad ko’y tunay na demokrasya
Hindi nang iilan at ang mangmang ang sinasamantala
Dito sa kanayunan nagsisimula ang tunay na buhay mapayapa.
Ang tunay na pakikabaka hindi sa kalye nakikita
Kundi sa kanayunan suriin ang tunay na problema
Magawan ng paraan para matulungan sila
Ang pag-unlad para sa buhay na mapayapa.
Huwag sana isipin ako’y isang aktivista
O isang rebeldeng may simpatiya sa komunista
Ang hangad ko lang maibahagi sa kapwa
Kapayapaan sa kanayunan maiwasan ang maling pakikibaka.