Sunday, October 21, 2007

posted in PINOYexpats



Dubai...

titik at likha ni ka noel malicdem


Sa'n bang punta kabayan at ika'y nakaporma

Di naman siguro sa tsik mong maganda

Baka naman sa airport dala ang visit visa

Papuntang Dubai baka sakaling trabaho ay makakita.


Di naman masama ang mangibang bansa

Mangarap mabigyan kaginhawaan ang pamilya

Kesa ang manatili gutom naman ang sikmura

Bayang walang nang pag-asa dahil puro politika.


Pagdating sa Dubai ay iyong nakita

Tunay na buhay malayo sa bansa

Ang maghanap ng trabaho bago ma-expire ang visit visa

Nababahala dahil baka kapusin dalang pera.


Mamuhay sa Dubai ay di biro

Maraming naloloko dahil di naman legal ang pagparito

Sa pagkain at upa ng bahay ubos na ang sweldo

Malas mo pa kapag iyong amo ay di ka pa pinasweldo.


Ang payo ko lang bago ikaw ay pumarito

Huwag maniwala sa sinasabi ng mga galing na dito

Dahil ang kapalaran di naman pare-pareho

Baka ang kitain halos pambayad lang ng utang mo.


Sana nga kabayan pagpunta mo rito

Panalangin ko'y makahanap ka agad ng trabaho

Upang ikaw ay di mapahamak sa hirap ng buhay dito

Huwag lang mahiya magtanong sa kabayan mo.


Buhay sa Dubai may kasamang sakripisyo

Konting tiis lang makakaraos sa pagsisikap mo

Dalang pangarap maaabot mo ito

Sa tamang panahon may pagbabago buhay mo.



Isang araw sa buhay Dubai …

titik at likha ni ka noel malicdem


Tumunog na naman ang cellphone ko

Hudyat na naman ng pagpasok sa trabaho

Dagliang buhos para lang masabing nakaligo

Di na makapag-almusal kaya sandwich na lang baon ko.


Pagbihis na halos isang minuto

Para habulin ang bus sa kabilang kanto

Dahil pagnahuli antay ulit ng tatlumpong minuto

Baka masira lang araw ko pagdating sa trabaho.


Pagdating sa sakayan panibagong pakikitungo

Ibat-ibang lahi ang makakasalamuha mo rito

Sari-saring amoy pa ang malalanghap mo

Pasensya na lang pareho lang kaming pasahero


Ang buhay sa Dubai kakaiba sa bansang iniwan ko

Makatipid lang sa sweldo kahit siksikan sa kuwarto

Masikip man ay kailangan sakripisyo

Maranasan ang buhay malayo sa pamilya ko.


Tama lang sa akin ang buhay na ganito

Makipagsapalaran sa kinabukasan ng mga anak ko

Limutin and lungkot Diyos lang ang karamay ko

Dahil kung may hirap ginhawa ay mapapasaiyo.



Ang sermon…sa pananaw ng isang OFW sa Dubai

Likha at titik ni ka noel malicdem, arkitekto



Gusto ko lang ibahagi sa pamamagitan ng tula
Ang aking karanasan sa tuwing ako'y nagsisimba

Lalo na't si Fr. Zaki ang nangunguna sa misa

Tiyak na kagigiliwan mga sermon na may patutsada.


"Batu-bato sa langit ang tamaan huwag magalit"

Mga katagang bago magsermon ay binabanggit

Paraan lang imulat at magmalasakit

Sa mga kabayang lito ang pag-iisip.


Huwag sanang masamain ang kanyang napupuna

Ang magdamit ng maayos sa tuwing magsisimba

Ang magkuwentuhan habang kasalukuyan ang misa

Upang maiwasan makaistorbo rin sa iba.


Ang mga kuwento sa sermon ay hango sa mga nakikita

Mga pangyayaring sa araw-araw ay nasasaksihan niya

Sa mga kababayang landas ay kumaliwa

Ibangon muli at mabuhay ng mapayapa.


Sa kabila ng pagkakalayo sa ating bansa

May isang pari hangad lang ay mapasaya

Sa mga kabayang naghahanap ng magandang balita

Lunas sa pagkakalayo sa mahal na pamilya.


Buhay sa Dubai di lahat may ginhawa

Halos pambayad lang ng bahay ang iyong kinikita

Di makabalik ng bansa kaya sa Kish na nakatira

Baon sa utang dahil lang sa visit visa.


Di naman masama ang mangarap mangibang bansa

Hangad konting karangyaan para sa pamilya

Huwag sanang padadala sa sabi-sabi ng iba

Magsimba na lang tayo at malayo pa sa pagkakasala.


Bahagi na ng sermon paraan ng pagpapasaya

Makalimot sa problema, lumakas ang pananampalataya

Maliwanagan ang isip sa maling akala

Maging kahanga-hanga sa paningin ng iba.


Ang panalangin ko lang tayo ay magkaisa

Maging karamay sa bawat pagsubok ng iba

Isang bayani at bahagi ng pagbabago ng bansa

Tunay na pananampalataya, buhay ay magiging mapayapa.


Noel Malicdem is an Architect from Baguio City (formerly from Pangasinan). He is currently working with Shankland Cox Dubai as an Architect. He is married with two children. He loves country music and collects hard-to-find country music stuff such as cds, tapes and magazines.His love for poetry started when he started working in middle east. He has been there for 5yrs in a row and poetry is his way of expressing what it is like to be an OFW.

Mga tula ng isang migrante mula sa Saudi Arabia

Copyright 2004 bulatlat@gmail.com

Mga tula ng isang migrante mula sa Saudi ArabiaNi Noel Malicdem
Posted by Bulatlat
Vol. V, No. 35 October 9 - 15, 2005 Quezon City, Philippines

OFW* sa gitna ng disyerto
Bayani kung ituring kami ng gobyerno
Wala naman magawa kapag kami’y inaabuso
Baka masira daw relasyon sa bansang kinalalagyan ko
Magtiis na lang hanggang matapos kontrata ko.

Mayroon nga tayong konsulado
Mga nakatalaga naman dito mga abusado
Walang pakialam kung ano kalagayan mo
Baka mas malala pa kapag napadpad ka rito.

Isa lang akong saksi buhay dito sa disyerto
Na kung tawagin lupa ng pera piraso
Dahil kung hindi huli limang buwang walang sweldo
Walang pakialam magutom man ang pamilya mo.

Tama na sa akin ang tawaging OFW
Na umalis ng bayan para sa kinabukasan ng pamilya ko
Ang kaligayahan pansamantalang kinalimutan ko
Mapunta sa bansang lungkot ang karamay mo.

Di ko pinagsisihan ang pagpunta rito
Bahagi lang ito ng pakikibaka sa buhay ko
Hindi ang maging saksi sa mga mapagsamantalang politiko
Na lalo lang nagpapahirap pagnakaupo na sa puwesto.

Ang hiling lang namin tunay na pagbabago
Mabigyan pansin mga karaingan naming OFW
Dahil bahagi rin kami ng pag-unlad kahit kami’y malayo
Isigaw sa buong mundo, mabuhay and Pilipino!

* OFW – overseas Filipino worker


Nang si Juan, nangibang bayan

Nang si Juan nangibang bayan
Dala ang pangarap umahon sa kahirapan
Sa bansang iniwan wala nang kalutasan
Buhay na kinagisnan wala pa ring kaunlaran

Dumating si Juan sa ibang bayan
Sa akalang makakamtam ang kaginhawaan
Bagkus naging malubha pa ang naging kalagayan
Sa gitnang silangang hirap pala ang mararanasan

Ngunit di nawalan ng pag-asa si Juan
Kesa bumalik sa bayang walang maaasahan
Wala nang ginawa kundi ang mag-iringan
Masa ang ginagamit sa pansariling kapakanan

Kelan ka titigil Juan na mangibang bayan
Manatili na lang sa bayang sinilangan
Kapiling ang pamilya tumulong sa kaunlaran
Ibalik ang Pilipinas perlas ng silangan

Wala ng hihigit pa sa sakripisyo ni Juan
Padalang dolyar para umahon ekonomiya ng bayan
Di alintana mga pulitikong sakim sa kaban ng pamahalaan
Panlinlang sa masa sa susunod na halalan

Gising na kabayang Juan
Sa maling akala sa iyong kalagayan
Bumangon ka na baka ikaw ay maiwan
Sa panibagong bukas kapit bisig tayong makipagsapalaran

Isa lang ako sa mga Pilipinong Juan
Na nangarap mangibang bayan
Hindi dahil ang bayan ko’y iiwan
Kundi ang ipagmalaki lahing pilipino kahit saan maasahan!


Sa wari ko , bilang OFW
Isa lamang akong saksi sa mga nangyayari
Hirap at pasakit, puno ng pagsisisi
Walang magawa kundi ang manatili
Para sa pamilyang iniwan buhay ay mapabuti.

Ang paglisan sa bayan, kahirapan ang dahilan
Pamahalaang di magampanan mga pangako sa bayan
Mga politikong ang hangad lamang ay kaban ng yaman
Gamit ang masa para sa sariling kapakanan.

Sa bansang pinili, marami akong nasaksihan
Buhay at pakikibaka ng aking mga kabayan
Mayroong mapalad, ang iba’y sadlak sa kahirapan
Karamiha’y inaabuso at walang sweldo ng ilang buwan.

Marahil ay walang pinag-iba sa bansang kinalalagyan
Ang maging sunod-sunuran dahil ako’y isa lamang dayuhan
Sumunod sa sistemang huwad na kapayapaan
Mga mamamayang hangad din ay kalayaan.

Sa wari ko, tama lang ang naging desisyon ko
Dahil parehas lang naman ang lipunang kinalalagyan ko
Trabaho lang at konting sakripisyo
Limot na bayani, tunay na Pilipino!

=======
Noel Malicdem is a migrant worker who, in an email message to Bulatlat, said that he is not much of a poet but was prompted to write in Filipino about his ordeal.

Posted by Bulatlat


© 2005 Bulatlat ■ Alipato Publications
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.

the 70s Bistro Guestbook...blog page na rin!!!

mga kabistro share ko lang poem ko about 70's bistro....

Kuwentong 70’s bistro

Likha at titik ni Noel Malicdem,Arkitekto
Dubai, UAE

Kay sarap muling pakinggan
Mga musikang kinagisnan
Sa bandang Anonas matatagpuan
Sa 70’s bistro lamang matutunghayan

Nagsimula noong dekada ’90
Magbigay sigla sa larangan ng musika
Masaksihang magtanghal mga makabagong banda
At mapagbuklod muli mga musikero ng dekada ‘70

Ano mang klase at tugtog ang musika
Bago man o luma basta may kiliti sa masa
Musikang Pilipino sa mga titik at pagkalikha
At sariwaing muli mga musika ng nagdaang dekada

Isang lugar na may kalayaan
Karaniwang tao dito ang tambayan
Madama ang tunay na kapayapaan
Musikang gamot sa magulong lipunan

Bahagi ang bistro sa ating kasaysayan
Saksi sa pagbabago at kaganapan sa ating bayan
Musika ang paraan maiparating ang katotohanan
Maiwasan ang maling pakikibaka sa maling paraan

Dito rin halos ang madalas na tagpuan
Mga taong may hinanakit at hinaing sa bayan
Nagkakaisa sa mapayapang usapan
Musika ang tinig para ipadama ang karaingan.

Naging bahagi upang imulat ang kabataan
Tangkilikin ang musikang pinoy ang pinagmulan
At naganap ang konsiyerto ng bayan
Bistro sa Amoranto hanggang pamorningan

Nagbigay bahagi ng hustisya sa musikerong pinaslang
Sa Quezon Circle nagtipon ang karaniwang mamamayan
Para sa sa isang konsiyerto makamit ang katarungan
Nilahukan ng mga musikero ng buong gabing kantahan

Sa kabila ng maraming pagbabago
Sa musika, politika, at buong mundo
Sa himig ng musika nanatili ang bistro
Musikang hanap ng mga karaniwang tao

Mahigit isang dekada na ang nakaraan
Nanatili ang bistro sa mga pagsubok na dumaan
Di nakalimot sa simpleng pinanggalingan
Kasama ang mga musikerong bahagi ng kasaysayan
Isa lang ako sa mga kabahagi at nakasaksi
Kahit sa tula man lang aking maibahagi
Alaala ng 70’s bistro na sadyang nakakawili.
Malayo man sa bansa sa aking puso’y mananatili

--noel malicdem2007-01-29 09:34:10 GMT

Saturday, October 13, 2007

EDSA

Ano nga ba ang meron sa EDSA
Na sa tuwing may hinanakit ang masa
Dito agad pumupunta at nagproprotesta
Humihingi ng panibagong simula

Eto nga ba ang tunay na diwa ng EDSA
Ang mamulat ang masa sa katiwalian sa politika
Daanin sa mapayapang pagmamartsa
Upang makamtam tunay na demokrasya

Ngunit iba na ang EDSA sa kasalukuyang pakikibaka
Di na gaya ng dati nag-alsa para patalsikin ang diktadurya
Mahirap at mayaman nagkaisa sa iisang paniniwala
Supilin ang kalupitan sa isang paraang mapayapa.

Sa ngayon wala na akong nakikitang tunay na pakikibaka
Sa daang kung tawagin ay EDSA
Dahil gamit na lamang ang masa at politika
Na lalo lang nagpapalubog sa ekonomiya ng bansa.

Sana hayaan na lang natin ang EDSA
Maging daan ng mga mamamayan patungo sa pag-unlad ng bansa
Hindi ang pag-aalsa para patalsikin ang isang namamahala
Gamit ang mga politikong sanhi rin ng maling pamamahala.

Sa wari ko di na mauulit ang unang EDSA
Dahil sawa na ang mamamayan sa maling akala
Nakamtan na ang tunay na paglaya
Pilipino na lang ang walang pagbabago at disiplina

Masakit man tanggapin pero eto ang aking paniniwala
Na ayaw magbago sa tamang sistema
Konting kamalian nagmamartsa na sa EDSA
Kaya ang pangkaraniwang Pilipino sila pa rin ang biktima.

Kagagawan lang ito ng mga politikong wala na sa puwesto
Na mas masahol pa ang pamamahala nung sila’y nasa gobyerno
Kaya lahat ng sisi sa kasalukuyang pangulo
Gagawin ang lahat malinlang lang ang kapwa Pilipino.

Sana minsan sa EDSA ako ay madaan
Makita ang mga taong naging bahagi ng kasaysayan
Nagkakaisa sa paniniwala at may pagkakunawaan
Kapit bisig sa mapayapang paraan tungo sa tunay na kalayaan!

Saksi sa katotohanan

Nagkaisa ang bayan, sigaw ay kalayaan
Patalsikin ang diktaduryang nagpahirap sa bayan
Napunta lang sa mas matinding hidwaan
Demokrasyang ipinaglaban, walang kinahinatnan.

Ilang dekada ang lumipas ang aking nagisnan
Tila wala pang bakas na patutunguhan
Ang kalayaan nakamit at ipinaglaban
Hanggang ngayon wala pa rin patutunguhan.

Naging saksi na ako sa mga lumaban
Upang iparating hinaing ng mamamayan
Ngunit naging biktima lang ng karahasan
Upang matahimik mabulgar ang katiwalian.

Sadya nga bang bulag ang sambayanan
Ang mamuhay sa huwad na kalayaan
Malinlang sa tunay na kaganapan
Walang pinag-iba hanggang sa kasalukuyan.

Ayaw ko rin isisi lahat sa pamahalaan
Gusto ko lang imulat sa katotohanan
Ang bulag na sambayanan
Na naging biktima ng mas malalang kahirapan.

Hangga’t walang pagkakaisa ang mamamayan
At manatiling bulag sa kamalian
At pagamit sa politikong walang pakialam
Mananatiling gutom sikmura ng karamihan.

Sa wari ko hindi lunas pag-aaklas sa daan
Upang patalsikin kasalukuyang pamahalaan
Tama na ang marahas na pakikipaglaban
Tapat na pakikibaka sa tahimik na pamamaraan.

Ang aking tula ay isa lamang paraan
Upang ipadama pag-ibig sa bayan
Huwag sanang masamain kung ito’y may katotohanan
Saksi lang ako kahit malayo sa ating bayan

Ang Pilipinas at politika…. sa mata ng OFW*

“Batu- bato sa langit ang tamaan huwag magalit!”
Sa mga taong walang magawa kundi ang maghimagsik
Sa bayang puro na lang hinanakit at pasakit
Politikong wala nang ginawa kundi ang sumipsip
Sa buwis ng masa na halos sira na ang pag-iisip.

Parang di na naiba ang mga mukha sa kalsada
Sumisigaw ng pagbabago tunay na demokrasya
Pero sa mismo nilang bakuran mas malala pa ang problema
Nandamay pa ng masa gamit ang nakaputing huwad ang pananampalataya
Buong bansa biktima ng mga maling haka-haka.

Wala akong pinapanigan dahil ito’y isang usaping politika
Upang mailuklok muli ang mga taong makakatulong sa kanila
Ibaon muli ang bansa sa hirap at huwad na paglaya
Kinasangkapan ang militar gamit ang pondo ng masa
Gamit ang kalye EDSA upang humikayat sa bulag na masa.

Di na nga kakaiba ang sigaw na reporma
Napatalsik na ang diktadurya ayaw naman sa bagong sistema
Doon sa kalye ang punta pag may hinaing sa politika
Meron namang kongreso, senado at kagawaran ng hustisya
Malinaw na ang hangarin patalsikin ang kasalukuyang namamahala.

Kaliwa’t kanan ang nakikita kong pag-aalsa
Di ko naman maintindihan kung ano ang layunin nila
Sigaw ay pagbabago di naman para sa bansa
Kundi ang mabago ang kasalukuyang puwesto nila
Di nila alam sila ang ugat sa kasalukuyang kalagayan ng bansa.

Isa lang akong saksi sa mga pangyayari sa ating bansa
Paulit-ulit na lang wala pa ring tunay na reporma
Ako’y umalis na ng bansa makatulong lang sa ekonomiya
Mapadpad sa bansang masahol pa sa paghihirap ang nadama
Ngunit kinalimutan mabigyan lang ng konting karangyaan ang pamilya.

Umaasa pa rin akong may pagbabago ang ating bansa
Dahil di naman sa namamahala and tunay na reporma
Kundi sa kapwa Pilipino magsimula ang disiplina
Huwag palinlang sa politikong habol lang ay kaban ng bansa
Gamit ang diwa ng EDSA sa maling pakikibaka.

Ang panalangin ko lang tayo ay magkaisa
Isulong ang tunay na demokrasya sa paraang mapayapa
Upang ang kagaya ko di na umalis pa ng bansa
Tumulong sa kaunlaran at tuwid na pamamahala
Kapwa Pilipino kaya nating magkaisa!

OFW-Overseas Filipino Workers

OFW sa aming pagbabalik

kumusta na kaya ang iniwang bayan
dahil sa hirap pansamantalang nilisan
upang makamit konting karangyaan
buhay na may kalayaan akin munang kinalimutan.

bansang iniwan di pa rin masilayan
tunay na kaunlaran puros pa rin kahirapan
dahil sa pulitika parati na lang iringan
nangangampanya na malayo pa botohan.

di man lang kami maalala dito sa ibang bansa
iniwan ang pamilya dala ang pangarap para sa kanila
sa hirap at konting kita sila lang ay mapasaya
pagtulong sa kalagayan namin wala man lang magawa.

sadya nga bang ganito aming kapalaran
iniwan ang bayan makamit konting kasaganaan
pagod sa trabaho at kalungkutan kinalimutan
upang patunayan bayani rin kami sa aming bayan.

panalangin ko lang pagbalik sa aming bayan
mayroon nang pagbabago tunay na kapayapaan
maayos na gobyerno disiplina sa mamamayan
upang ang kagaya ko di na bumalik sa pinanggalingan.

wala nang hihigit pa manatili sa sariling bansa
kahit konti ang kita mahal sa buhay naman ay kasama
tunay na kaligayahan hindi pilit na pagsasaya
sa aming pagbabalik eto sana ay aming madama.

Friday, October 12, 2007

melon magkakaibigan


nagsimula sa melon ang matagal na samahan
kasabay sa pagkain panghimagas sa tanghalian
ilocano pangasinan halo-halo kami sa kainan
diyan nagsimula ang aming tunay na pagkakaibigan.


sari-saring lahi ibat-ibang paniniwala
di namin pansin basta tunay lang ang pakikisama
ang pagkakakilala hindi lang sa loob ng eskwela
mas higit pa ito pag may melon na meryenda.

sari-saring diskarte para makatapos sa eskwela
waiter, konduktor,mananahi at may folk singer pa
ginawa na ang lahat may pambayad lang sa matrikula
matapos lang ang kurso na aming kinukuha.

buhay estudyante mahirap talaga
lalo na sa pagpasok kulang ang baong dala
pero di ka mag-aalala dahil may karamay ka
tanghalian at meryenda siguradong may kasalo ka.

sa halos limang taon na aming pagsasama
maraming pagsubok sa aming samahan ay naipunla
mahigit pa sa kapatid kung ituring ang isa't-isa
kaya natapos na sa kolehiyo kami pa rin magkakasama.

wala ka nang hahanapin pa sa aming pagsasama
tunay na kaibigan dito mo lang makikilala
payat,mataba,pandak,pultak at may kambal pa
sa hirap at ginhawa melon kang kaibigan na kasama.

tunay na kaibigan walang iwanan
bagyo,layos, anggano yegyeg la ditan
nagkakahiwalay lang pag luven na ang pinag-uusapan
siguradong mawawala kanya-kanya na ang lakaran.

yan ang aming samahan kung tawagin abalayan
hanggang sa pagtanda tuloy ang pagkakaibigan
maibahagi sa mga susunod naming angkan
melon magkakaibigan walang hanggang samahan.

Life along the way

Along life’s highway
Be it sandy or rocky
Just go ahead
For in the end
The road will be easy.

There are no shortcuts
Along the way
For if you do
You’ll end up the wrong way
For in life there is no replay.

Thursday, October 11, 2007

Ako, ikaw, tayo … OFW*

Kay sarap pakinggan ang ika’y mangibang bayan
Puno ng pag-asa umahon sa kahirapan
Bulag sa katotohanan ano man ang kahihinatnan
Hirap na mararanasan sa bansang patutunguhan.

Ang lumisan sa bayan ay di ko kagustuhan
Ngunit ang maging saksi sa maraming kahirapan
Isa lamang itong paraan pagmamahal sa bayan
Tumulong sa bansa para sa kaunlaran.

Hindi biro ang malayo sa ating bayan
Dala ang lungkot huwad na kalayaan
Pilit na pagsasaya problema’y makalimutan
Konting tiyaga sa maayos na kinabukasan.

Sana minsan karaingan namin ay pagbigyan
Mabigyan ng kaukulang pansin ng pamahalaan
Sa mga kabayang saan man ang patutunguhan
Ano man ang kapalaran ay di kami pababayaan.

Ang hiling ko lang pagbalik sa ating bayan
Makita ang kaunlaran tunay na kalayaan
Limutin ang politika maayos ang hidwaan
Mamuhay ng tahimik at di na mangibang bayan.

Ang paalala ko rin sa mga nagingibang bayan
Kahit saan man sulok ng mundo naninirahan
Sana tayo ay magkaisa at magmahalan
Malayo sa tukso, inngitan ay iwasan.

Isa lamang itong pagmumulat sa aking mga kababayan
Di ka nag-iisa kahit nasaan ka man
Karama’y mo sa ginhawa’t kahirapan
Lahing Pilipino, tunay kang maaasahan


*Overseas Filipino Workers