Tuesday, August 27, 2013
SA WARI KO LANG BILANG ISANG OFW
SA WARI KO LANG BILANG ISANG OFW
isang tulang alay bilang pakikiisa sa martsa ng masa
likha at titik-ka noel malicdem , dubai,uae
isang malawakang korapsiyon ang sumambulat sa bayan
kahindik-hindik at tila walang katapusan
mga politiko at gobyerno nagtuturuan
magsasaka at mangingisda nagawa pang idawit sa katiwalian
bilyung-bilyong pondo pinadaan sa NGO
dawit rin sa listahan mga pari at obispo
ginamit pa ang simbahan para lang di mabulilyaso
masang Pilipino sino ngayon ang sisisihin mo
kabi-kabilang reklamo sa nilustay na pondo
ngunit walang ebidensiya sa mga nagawang proyekto
samantalang ang mga politiko paikot-ikot lang sa buong mundo
hindi mahagilap kapag panahon ng kalamidad at serbisyo
nagulat na lang ang mga mangingisda at magsasaka
nakatanggap daw ng abono at puhunan sa pangingisda
ngunit ni anino ng pera wala silang nakita
ang perang dapat sa kanila pinaghati-hatian na pala ng mga buwaya.
kaya ang senado at kamara nagkakandarapa
nagtuturuan kung sino ang may sala
hugas kamay naman DBM, DAR, BIR at COA
habang si gobernador at mayor patay malisya sa mga anomalya
ang tanong may patutunguhan ba ang pag-iimbestiga
kung kapwa magnanakaw naman ang maglilitis sa kanila
mismong sa bakuran di nga nila mahuli and may sala
dahil ang pumiyok walang PDAF at pork barrel na makukuha
hindi kaya ito isang propaganda
para sa susunod na halalang pambansa
upang mailuklok at mapanatili mga politikong napupusuan nila
pagpapatunay lang na malaki ang kita sa politika
ang taong bayan di alam saan ang katotohanan
dahil ang hustisya tila wala nang silbi sa mga may kapangyarihan
lahat ng may alam naglalaho na lang ng walang dahilan
ang iba nama’y nanahimik na lang kapag bulsa’y siniksikan
matuwid na daan sa panaginip lamang
hangga’t ang taong bayan pikit ang mata sa katiwalian
bingi sa katotohanan sa walang humpay na korapsiyon sa lipunan
minimithing pagbabago baka sa mga walanghiyang politiko lang ang makikinabang
patuloy lang ang ganitong sistema
dahil na rin sa kapabayaan at walang disiplina
namulat sa akalang may pagbabago sa politikong iniluklok nila
kaya marami ang naloko sa maling akala
walang silbi ang panandaliang pagkakaisa
ang suliranin di lang sa kalye nareresolba
kung wala namang napaparusahan sa tunay na may sala
hangga’t may tiwaling politiko, korapsiyon ay di mawawala
isa lang ako sa milyu-milyong nakikiisa
panawagan sa kapwa Pilipino, korapsiyon ay matigil na
dahil kabilang din tayo sa maling sistema
disiplina at pagmamahal sa bayan ang tunay na kasagutan sa ating problema
kaya sana tuloy-tuloy lang ang pakikibaka
mapagmatyag at mapanuri sa mga katiwaliang nakikita
huwag matakot dahil hindi ka nag-iisa
buong bansa kasama mo sa mapayapang reporma!
Mabuhay ang Pilipino…OFW kasama mo sa pagbabago!
No comments:
Post a Comment