Tuesday, July 31, 2012

Iboto natin ‘Perlas ng Silangan

http://www.thenewstoday.info/2009/10/05/iboto.natin.perlas.ng.silangan.html
Iboto natin ‘Perlas ng Silangan
likha at titik ni Ka Noel Malicdem

Batu-bato sa langit
Ang tamaan huwag magalit
Dahil ito lamang ay isang katanungan sa magulong pag-iisip
Nangangarap na isa lamang itong bangungot o isang panaginip

Halalan na naman ay nalalapit
Lahat ng klase ng mga politiko sa atin ay lumalapit
Ang iba nama’y sa mga tupa umaasa at umaawit
Naghahangad ng himala sa halalang sasapit

Karamihan sa kanila mga datihan na sa politika
Paulit-ulit lang ang mga plataporma
Inabutan na ng halalan mga pangako’y napunta sa kanilang bulsa
Kahirapan ay lumala, walang nabago sa sistema

Pumanaw na ang kinikilalang ina ng demokrasya
Hindi man lang nabigyan ng hustisya sa pagpaslang sa asawa
Na hanggang ngayon wala pa ring umaamin kung sino ang may sala
Huwad na kalayaan ang nakamtam sa sinasabing himala ng EDSA

Ngayon nama’y sinasamantala mailuklok ang angkan nila
Gamit ang pagluluksa sa pumanaw na ina
Walang pakialam masagasaan ang kapartido sa politika
Dahil sa paniniwalang ito raw ang sigaw ng masa

Ang iba nama’y parang nagbabalik pelikula
Nangangarap makabalik sa naudlot na pamamahala
Doon sa palasyo kung saan nabunyag ang mga bisyo niya
Umaasang iboboto ng mga kubrador sa bawat sulok ng ating bansa

“Bangon Pilipinas” ang sigaw naman sa buong masa
Sa paniniwalang siya ang pastol na makakapagbago sa mga tupa
Nagbabakasakaling mailuloklok sa palasyo sa boto pa lang nila
Siya raw ang hinirang at karapat-dapat na mamuno sa ating bansa

Ang simbahan at mga Obispo naman ang panakip nito
Na kumikita ng milyun-milyon linggu-linggo
Para magamit sa negosyo at manlinlang sa mga politiko
Pangako’y babalik ang biyaya kapag nakaupo na sa palasyo

Sa mga natitirang kakandidato walang pinagkaiba sa trapo
Konting hugas lang at piga malinis na sa mukha ng mga tao
Sa pangangampanya lahat ay ipapangako
Babawi na lang ulit kapag nakaupo na bilang isang pangulo

Ganyan talaga ang labanan sa ating politika
Hahamakin ang lahat at pakapalan ng mukha
Dahil sa politika mas madaling kumita
Magsuot lang ng maskara para malinlang ang masa

Walang pinagkaiba sa mga nakaraang namahala
Walang pagbabago sa halip kahirapan ay mas lumala
Pinaikot-ikot lang tayo at pinaasa
Bansang Pilipinas makakaahon pa kaya

Sana nga magkaroon na ng kalutasan
Mga suliranin sa ating sambayanan
Kapayapaan at walang hidwaan
Tungo sa pagbabago at maayos na kinabukasan

Wala namang masama ang maglingkod sa kapwa
Malinis lang ang hangarin sa paraang mapayapa
Tamang sistema at mamamayang may disiplina
Tunay na pagkakaisa para bansang Pilipinas makabangon na

Isa lamang itong paraan baka sakaling makatulong ako
Mabago ang isip at pananaw ng kapwa ko Pilipino
Na pag-isipang mabuti kung sino ang iboboto
Na karapatdapat manungkulan bilang isang Pangulo

Kaya ang panawagan sa mga kakandidato sa pagka-pangulo
Pag-isipang mabuti ang landas na papasukin ninyo
Handa ka bang manglingkod ng buong puso mo
Dahil ang boto ko sa nakasalalay sa kinabukasan ng bawat Pilipino

Tama na, sobra na at walang himala
Huwad ang EDSA hangga’t walang tunay na demokrasya
Hindi lang sa kalye ang kalutasan ng ating problema
Ang tunay na kalayaan sa mapayapang pakikibaka

Ngayon naman ako ang may kahilingan
Baka sakaling ako ay inyong pagbigyan
“Perlas ng Silangan” ang aking pangalan
Kakandidato po ako sa nalalapit na halalan

Pagkatapos mabasa hiling ko po ay ipimalita o ipasa
Sa mga kababayang Pilipino para mamulat sila
Na walang maidudulot ang maruming politika
Dahil bansang Pilipinas lang ang tanging biktima

Kaya sa darating na halalan
Pumili ng kandidatong sapat ang kaalaman
Tapat manungkulan at handang labanan ang katiwalian
Iboto po natin “Perlas ng Silangan”

No comments:

Post a Comment