Sunday, December 4, 2011
Arkitektong Pilipino
Arkitektong Pilipino
Titik at likha ni Arch. Noel Malicdem, UAP
(isang tula alay ko sa mga kapwa Arkitektong Pilipino na OFW)
sa bawat sulok ng mundo
akoý matatagpuan
bahagi ng pagbabago
sa bansang kinalalagyan
sa gitnang silangan
madalas akoý nakikipagsapalaran
upang isakatuparan
pangarap na magandang kinabukasan
madalas akoý nakasalamuha mo
karaniwang tao na ang hangad ay pagbabago
mabuhay ng marangal at tapat na serbisyo
dito nakasalalay ang sinumpaang pangako
galing at husay aking puhunan
tapat sa trabaho at isang huwaran
walang katulad angking katangian
hinahangaan ng mga kasamang dayuhan
ngunit madalas akoý hinuhusgahan
minamaliit aking kakayahan
akoý mananahimik at magtrabaho na lang
aking pinaghirapan kaya kong panindigan
minsan inaangkin ang karangalan
limot na bayani sa bayang iniwan
ngunit sa puso at isipan
bahagi ako sa nakikita mong kaunlaran
hinubog ng panahon
ang angking talento
sa bawat guhit at anyo ng disenyo
aking ipagmamalaki itoý gawang Pilipino
isang karangalan akoý isang arkitekto
aking ipagmamalaki lahing Pilipino
saan man ako naroroon ay gagampanan ko
kabahagi ng pag-unlad Arkitektong Pilipino.
No comments:
Post a Comment